Press "Enter" to skip to content

Batang rapper sa jeep makakasama sa music video ng idolong rap group MP Harmony

Kamakailan ay nag-viral ang video ng isang batang namamalimos sa jeep habang nagra-rap ng kantang “Batang Lansangan.”

Kanta ito ng grupong MP Harmony.

Ayon sa nag-upload ng video na si Jomar Dungo, una niyang ini-upload ang video noong December 2020.

Pumukaw ito ng interes ng netizens nang muli niyang i-upload dahil ayon sa mga komento, masyadong tagos sa puso ang pagbigkas ng bata ng mga linya ng awitin.

Noong October 21, 2021, iniulat ng GMA News Online sa “24 Oras” na nahanap nila ang batang mahusay mag-rap.

Prince John Candelaria ang pangalan niya, taga-Dasmariñas, Cavite, at 18 anyos na.

Nangangalakal ito para may gastusin sa araw-araw.

Ayon kay Prince ay inabandona siya ng mga magulang noong bata pa, at sa lola lumaki.

Hindi rin niya alam na may kumukuha sa kanya ng video noong namamalimos siya at nagra-rap sa jeep.

NAKAUSAP ANG MGA RAP IDOLS

Natuwa naman si Prince nang malamang nag-viral ang video.

Aniya, “Napakaimportante po kasi yung talento na matagal kong itinatago, nailabas ko rin. Sobrang saya ko po talaga.”

Naka-relate umano siya sa lyrics ng “Batang Lansangan” ng MP Harmony.

Kinabisado raw niya ang rap song para kantahin tuwing mamamalimos siya noon sa mga jeep.

Sabi niya, “Para po kasing yung kanta na yun, nangyari na rin sa buhay ko.

“Nangangalakal din po ako noong bata ako, kumakain din po ako ng mga natitira sa basurahan na pagkain.

“Naranasan ko rin po ang magutom. ‘Tapos walang matuluyan, sa kalsada ako natutulog dati.”

Ginawan ng paraan ng GMA News Online na magkausap sina Prince at ang MP Harmony sa pamamagitan ng video call.

Good news!

Sinabi ng MP Harmony na isasama nila si Prince sa sunod nilang proyekt, at labis na ikinatuwa ito ng binata.

Bulalas ni Prince, “Napakasaya po! Sobra ko silang inidolo dati. Gusto ko rin silang makasamang kumanta.

“Tapos, yun… natupad po yung pangarap ko na makasama sila.”

MEET THE MP HARMONY

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang MP Harmony noong October 29 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.

Si Symon Ortiz Bambao, 24, ang kanilang pinaka-leader.

Ang iba pang miyembro ay sina Kobe McGrady Cruz, John Luiz Estrada at Charles Ramos.

Ayon kay Symon, “Nabuo ang grupo namin noong 2014. Bale dalawa pa lang kami ni Charles.

“Naisip namin later on na magdagdag ng members. May nakilala kaming dalawang bata na may potential.

“Nanghingi kami ng permiso sa kanilang magulang para makasama namin.

“’Tapos yun po, nagtuluy-tuloy na kami.”

Si Symon din ang composer ng kanilang mga rap songs.

Nagsimula sila sa underground music scene, at nag-mainstream pagsapit ng 2016.

Kuwento pa ni Symon, “Yung ‘Batang Lansangan’ ang una naming hit. Under po iyan ng All-Star Production.”

Nakagawa na sila ng 12 rap songs.

Bukod naman sa gigs, may iba pa silang raket.

“Mahilig po kaming sumali sa rap contest. Lagi po kaming sumasali basta may contest.

“Pinakamabigat po siguro naming napanalunan yung sa TM RAPublika sa Malolos, Bulacan. Nag-champion kami, trophy saka PHP20,000 cash.”

NAGsama-sama muli dahil kay prince

Aminado naman si Symon na namahinga ang MP Harmony noong 2018.

“Noong time na yun nagkahiwa-hiwalay po kami. ‘Tapos nito pong nag-viral yung sa bata, naisip po namin na buuin muli yung grupo.”

Sa ngayon ay may ginagawa silang bagong music video.

“Bale ay sa November 4 po namin sisimulan. Na-compose na po namin yung kanta. Isasama po namin si Prince doon.”

Plano ng MP Harmony na mag-produce ng apat na bagong rap songs.

“Ang ipu-push po namin muna yung ‘Diploma.’ Kasama na po namin diyan yung bata sa jeep.”

KIKITAIN NG PROJECT IBIBIGAY KAY PRINCE

Nang tanungin naman kung may plano silang i-remake ang “Batang Lansangan” kasama si Prince, sagot ni Symon, “Sa tingin ko po, hindi na.

Kasi ang naging plano po ng grupo namin, gumawa ng bago na motivational songs para sa mga mahihirap. Ang una nga po rito ay yung ‘Diploma.’”

Ayon pa sa grupo ay pokus na talaga sila ngayon sa pagbuo ng rap music. May plano na rin sila kung paano iyon ima-market.

Ani Symon, “Gagawa po kami ng mga music videos, then ilalabas sa YouTube.

“Sa ngayon po, pinag-aaralan namin kung paano magkakaroon ng ads yung gagawin naming YouTube channel.”

May plano na rin sila sa kikitain ng music videos.

“Ibibigay po namin doon sa bata. Para po makatulong sa kanya.”

pmrsc.com

Be First to Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *