Sa gitna ng pandemya, nakatulong kay Darlon Castor, 30, ang pagiging dating barista.
Para matustusan ang mga pangangailangan, gumawa at nagbenta siya ng bottled coffee.
Kuwento niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong October 8, 2021, sa pamamagitan ng Facebook Messenger, “Isa po akong barista, pero nag-resign ako noong 2019.
“Bumalik kasi ako sa pagsasayaw sa TV. ‘Tapos nag-pandemic. Nawalan lahat ng mga events, napatigil din ako.”
Nagkataon naman na nakapagpundar siya ng gamit sa paggawa ng kape mula sa kanyang savings.
“Habang nagbabarista kasi ako noon, may part time na rin akong pinapasukan sa Manila Polo Club. ‘Tapos, nagsasayaw rin ako sa GMA 7 as back-up dancer.
“May natira po akong pera doon sa dati kong kinita. Then inunti-unti ko yung gamit na pambahay lang.”
Ayon kay Darlon ay maganda ang kita niya sa pagbebenta ng bottled coffee.
“Sa bahay, online selling. Naging okey naman po. Lalo na noong nag-pandemic.
“Ako yung nagde-deliver mismo. Pagkagawa ko, nag-iipon ako ng mga orders. Sabay-sabay kong idini-deliver.”
FROM BOTTLED COFFEE TO COFFEE SHOP
Dahil sa maganda ang resulta ng kanyang venture, naisipan niyang i-level up na ang kanyang coffee business at magkaroon ng puwesto.
“So, naghanap ako ng commercial space. Wala akong makita. Accidentally, nag-chat sa akin yung kababata ko na nagtitinda siya ng palamig sa tapat ng bahay nila, doon sa lumang bahay.”
Ang tinutukoy niyang kababata ay si Ivan Reyes na kapwa niya Caviteño.
“Nagpunta ako then yun, nakita ko yung parang lumang sari-sari store nila na bodega na. Hindi na nila ginagamit.”
Nakatayo iyon sa Cajigas Street, Caridad, Cavite City.
Ayon kay Ivan ay bawal buwagin ang antigong bahay at hindi rin puwedeng palitan. Pero puwede itong i-restore.
Nakaisip si Darlon ng magandang konsepto para sa coffee house.
“Ini-offer ko sa kanya ang partnership sa coffee shop business. Interesado siya agad. Mabilis lang ang mga pangyayari, saglit lang ang aming naging usapan.”
Sa description ni Darlon, ang pinakabahay talaga ay nasa 200 square meters.
“Pero yung puwesto ng coffee shop ay maliit lang, nasa harap lang. Yung dating sari-sari store. Maliit lang na pa-rectangle.
“Medyo baka maka-obstruct kami sa mga dumaraan kaya na-move pa namin paatras kaya lalong lumiit na yung space, pero okey lang naman.
“At least naging legal yung puwesto.”
Nang maiayos na nila ang place, nag-start ang kanilang operation noong April 2021.
Tinawag nila itong Kasa Antigua Cafe.
FRIENDLY ANG PRESYO
Naging patok agad sa mga coffee lovers ang Kasa Antigua Cafe. May al fresco dining, take-out, at pick-up orders.
Open sila ng 10:00 a.m. hanggang 8:30 p.m. ngayon dahil may curfew na ipinapatupad sa kanilang lugar.
Dahil sa kanyang karanasan bilang barista, bukod sa mga inspired recipes ay may mga na-develop na sariling timpla si Darlon.
“Ang mga bestsellers namin ay yung caramel macchiato over ice, Spanish latte over ice, and mocha.
“Ginagamitan namin ng homemade na dark chocolate ang lahat ng iced drinks namin.”
Dugtong niya, “We also have hot coffee na nilalagyan namin ng latte art para ma-engganyo ang mga tao.”
Nag-o-offer din sila ng cinnamon roll, banana bread, French toast grilled sandwich, burgers, and pasta.
Customer friendly rin ang kanilang presyo na hindi lalampas sa PHP100.
Sa nakikita ni Darlon ay nasa right track ang kanilang negosyo kahit pa nagkaroon ng anim pang coffee shops sa kanilang area.
“Hindi naman kakumpitensiya ang turing namin sa kanila. Natuwa rin naman kami roon at sinusuportahan namin sila.”
Bago naman magsara tuwing gabi ay may special performance sina Darlon para sa kanilang customers.
“Passion ko po talaga ang pagsasayaw kaya lagi kaming may TikTok every closing ng coffee shop namin. Yun po ang passion ko—kape at dancing.”
At bago matapos ang 2021 ay posibleng mabawi na nila ang puhunan.
Ang masaya pang kuwento niya, “Nakapag-sell kami ng 100 cups a day or more than pa.”
STRUGGLING BARISTA
Kung maganda ang naging start ng Kasa Antigua Cafe, nag-struggle naman noon si Darlon bago naging barista.
Kuwento niya, “Hindi po ako nakatapos ng HRM sa college. Kumuha ako ng cookery sa TESDA. Nag-try akong mag-apply as chef sa barko pero hindi nangyari.”
Una siyang nag-apply bilang barista sa isang sikat na coffee shop. Hindi pa umano siya passionate sa coffee noon at ang gusto lang niya ay magkaroon ng trabaho.
“Hindi ako natanggap kasi tiningnan nila ang educational background ko. Gusto nila, matapos ko muna yung course ko o kahit two-year course.”
Hindi siya tumigil sa paghahanap ng trabaho. Nag-apply siya sa ibang coffee shop, hanggang matanggap siya bilang waiter/server.
Doon ay may tumulong sa kanya para matuto siyang magtimpla ng kape.
Pagbabahagi ni Darlon, “Pumapasok ako sa station ng aming barista para manood kung paano siya gumawa ng kape. Tinuruan niya ako.
“Doon na po nagsimula. Nagkaroon na ako ng passion sa paggawa ng kape.”
Nang mag-resign ang kanyang naging mentor ay sinubukan niyang mag-apply bilang kapalit nito, ngunit tinanggihan siya ng owner ng coffee shop.
“Nalungkot po ako dahil doon, at nag-resign na rin ako sa pagiging waiter.”
Nang malaman ng kanyang mentor na nag-resign na rin siya ay isinama siya nito sa pinapasukang coffee shop, at lalo pa siyang hinasa sa paggawa ng kape.
“Yun, nagtuluy-tuloy na po. Naging barista na talaga ako. Magkasama kaming dalawa as buddies. Sharing ng knowledge.
“Isinasama niya ako sa mga competition, mga latte art throwdown, mga seminars about coffee. Doon na talaga nabuo yung knowledge ko at lumalim ang kaalaman ko sa kape.”
LONG-TERM PLAN PARA SA KASA ANTIGUA CAFE
Plano nina Darlon at Ivan na palakihin ang kanilang puwesto at tuluyang i-restore ang lumang bahay hanggang loob.
“Pag ancestral house po kasi ang ipapa-restore, sobrang laking pera ang kailangan.”
Iyon din ang dahilan kaya maliit na space ng lumang bahay muna ang ginagamit nila sa ngayon.
“Pag-iipunan po,” aniya. “Sana tuluy-tuloy ang pagdami ng mga customers.”
Payo naman niya sa mga gaya niyang gustong pasukin ang coffee business, hindi kailangan ng sobrang laking puhunan.
“Kahit magsimula muna sa maliit, basta sipagan lang at diskarte. Balang araw lalaki rin iyan.
“Also, suportahan natin ang ating local coffee bean farmers. Yung mga kape namin sa Kasa Antigua Cafe ay galing Sultan Kudarat, Benguet, Mt. Apo sa Davao, at Bukidnon.
“Kailangan sa panahon ngayon, tayu-tayong mga Pilipino ang magtulungan.”
HOT STORIES
pmrsc.com
Be First to Comment