Press "Enter" to skip to content

Bravo, Tatay Warlito: Tricycle driver na nagsoli ng bag na may lamang cash

Napatunayan ni Lovely Mae Cometa, 21, third year college, taga-Cortes, Bohol, na marami pa ring tao na may mabuting kalooban.

Isa na rito ang tricycle driver na si Warlito Quiachon ng Tagbilaran City.

Nakapanayam si Lovely ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong October 15, 2021 sa pamamagitan ng Facebook Messenger.

Kuwento niya, noong October 12 ay naiwan niya ang kanyang sling bag na may lamang PHP9,000 sa tricycle na sinakyan niya.

Hindi na niya matandaan ang body number ng tricycle.

Ani Lovely, “Yung sling bag po, ay may wallet sa loob. ‘Tapos may pera po na PHP9K.

“Pambili po yun ng plane tickets para sa mama at papa ko. Pauwi na sila galing Batangas.”

Hindi raw niya namalayan na naiwan niya sa tricycle ang kanyang sling bag.

“Bale bumili po ako nun ng para sa barbecue na paninda. ‘Tapos marami akong dala.

“Nawala sa isip ko yung bag ko dahilan nga marami ako dinala.”

NATAKOT NA BAKA HINDI NA MAIBALIK ANG PERA

Dahil gagamitin na pambili ng plane ticket ng kanyang parents ang nawawalang pera, nag-panic si Lovely.

“Kinabahan po ako! ‘Tapos napaiyak ako nun talaga, sobra. Sabi ko sa sarili ko, di ako uuwi kung di ko yun makuha.”

Nag-post siya sa kanyang Facebook account ng panawagan tungkol sa kanyang nawawalang sling bag na naiwan niya sa tricycle.

Matutukoy naman aniya na siya nga ang may-ari ng sling bag kung may magsasauli dahil may ID siya sa wallet sa loob.

May nagsabi sa kanya na mag-report sa Tagbilaran City Traffic Management Office dahil doon dinadala ng mga tricycle driver ang mga naiiwang gamit ng kanilang mga pasahero.

“Nag-report po ako sa CTMO. Nagbakasakali po ako na may magsoli.”

“ISAULI KO TALAGA YUNG BAG”

Sa post ng CTMO sa kanilang Facebook Page, noong nag-report si Lovely sa opisina ay papunta na rin pala si Tatay Warlito para isauli ang bag ni Lovely.

Kuwento naman ng dalaga, “Doon na po kami sa CTMO nagkita. Mabait po talaga si Tatay Warlito. Isinauli niya talaga.

“Nagpapasalamat po talaga ako sa kanya, sobra! ‘Tapos sabi niya sa akin, ‘Isauli ko talaga yung bag.’

“Eksaktong nag-report siya sa CTMO, naroon ako. Naghintay po talaga ako na baka may magsauli.”

Ayon naman kay Tatay Warlito, sa ulat pa rin ng CTMO, iyon talaga ang dapat gawin ng kahit sino. Ang ibalik sa may-ari ang nawawalang gamit o pera nito.

Maraming netizens ang pumuri sa honest na tricycle driver.

Sinabi ni Lovely na dahil naisauli ang pera, nakabili siya ng plane tickets para sa kanyang parents.

“Nakauwi na po sila rito,” aniya. “Maraming salamat po, Tatay Warlito. Sana marami pa pong katulad niyo. God bless po.”

HOT STORIES

pmrsc.com

Be First to Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *