Press "Enter" to skip to content

Dapat Alam Mo! pilot telecast airs October 18

Simula ngayong Lunes, October 18, ay ihahatid ng GMA Public Affairs ang ipinapangakong parehong Serbisyong Totoo at good vibes sa mga manonood sa bagong news magazine program, ang Dapat Alam Mo! na mapapanood araw-araw mula 5:30 p.m. sa GTV.

Ang bagong programang ito ay anchored ng tatlong mga Kapuso na sa kauna-unahang pagkakataon ay magsasama-sama para maghatid ng balita at public service.

Ang mga ito ay ang news reporter na si Emil Sumangil, ang Kapuso actress na si Patricia Tumulak, at ang bagong Kapuso na si Kuya Kim Atienza.

WHAT NETIZENS NEED TO KNOW ABOUT ELECTIONS 2022

Sa ginanap na online mediacon para sa Dapat Alam Mo!, ang una naming itananong sa kanilang tatlo ay kung ano ang dapat alamin ng mga manonood na botante sa nalalapit na national election sa May 2022.

Ayon kay Emil, “Ipapaalam namin na sa loob ng ilang buwan, bago sumapit ang election, ang wastong pagbabatayan ng mga botante para makapaghalal sila ng mas mahusay na mamumuno ng ating bansa.

“Yung talagang may malasakit sa tao at hindi yung pansariling interes lang nila.”

Para naman kay Patricia, “Dapat alam mo ang iboboto mo, dapat well-researched ka. You have to be mindful kung ano ang babasahin mong news o kung ano ba ang credible.

“And then, take down notes. Pros, cons, lahat iyan. Kailangan well-researched ka.”

Sabi naman ni Kuya Kim, “Dapat alam mo na ang pinakamalaking agila sa buong mundo ay ang Philippine Eagle na may wing span na 7½ feet, at dapat alam mo na ang pinakamaliit na isda ay ang pandaka pygmea na makikita sa Manila Bay, of all places.

“Dapat alam mo na ang isa sa pinaka-poisonous na river snake ay makikita sa Taal Lake. Dapat alam mo na ang Pilipinas ay isang magandang lugar at hindi lang natin alam kung gaano kaganda ito.

“At dapat alam mo na ang iboboto mo sa darating na halalan ay pangangalagaan ang magandang bansa natin.

“Hindi kung sinu-sino lang.”

THE IMPORTANCE OF ALWAYS BEING UPDATED

Gaano man daw sila ka-busy o kaabala sa kanilang pang-araw-araw na mga gawain at trabaho, sinisigurado nina Emil, Patricia at Kuya Kim na palagi silang updated sa lahat ng kaganapan sa loob at labas ng bansa.

Para kay Kuya Kim, may problema raw sa isang tao kung sa panahon ngayon, hindi ito updated o aware sa nangyayari sa kanyang paligid.

“If you’re not updated nowadays, ano ka na lang, tamad ka na lang talaga. Sources of information, Twitter na lang, ang daming information na makukuha, e.

“Punta ka sa mga websites, punta sa GMA-7 websites, punung-puno na, nandooon na, e. Basta if you’re not updated nowadays, may problema ka with the information super highway and the digital world, may problema ka kapag hindi ka updated.

“Even if you’re busy, dapat updated ka. Look at social media, look at websites, it only take few minutes every day and it’s a habit. Integrated na sa buhay natin iyan, di ba?”

TIME MANAGEMENT IS KEY

Sa parte naman ni Patricia, kasama na raw sa gawain niya ang magbasa palagi online at manood ng YouTube.

Ayon dito, “Alam mo, siyempre mas busy silang dalawa. Pero siyempre, time management. Ako kasi, medyo may pagka-OC ako and organized.

“I make sure na before I start my day, naka-plano na lahat iyan. Ang habit ko kasi, manood ng mga YouTube and then Twitter, social media. What is an hour of your time? Kaya mo na iyan makapag-update.

“So time management is key, in all aspects po.”

MAKING NEWS A DAILY HABIT

Para kay Emil, bahagi na raw ng kanyang daily lifestyle ang pagtutok sa news. Nagsisimula at nagtatapos ang araw niya sa pakikinig ng balita.

“Nabigyan din ako ng tsansa na makapag-radio program. 6:30 am hanggang 8:00 am. Straight news iyan, tapos question and answer, commentary, may mga kasamang interviewee na ipapasok,” saad niya.

“Bukod sa passion ko, required ako, e, sa akin. Hindi ako required ng opisina kung hindi sarili ko na. Kailangan monitored ko ang news everyday dahil may mga interviewees every Saturday na kailangan makapag-formulate ako ng matalim at matatalinong mga tanong para ma-address yung mga problema or mga usapin.

“So 3:00 am pa lang, gising na kasi ako, nakikinig na ako ng AM radio. 4:00 am straight newscast pa rin. 7:00 am pagkatapos ng gawain ko. Newscast ulit sa radio. Tapos 8:00 am interview, 9:0am interview. Lahat iyon, namu-monitor ko.

“Pero siyempre, kapag nasa coverage, mami-miss ko ito. Pero sa hapon, ang pakikinggan ko naman ay yung alas-kuwatro ng hapon, tapos alas-singko ng hapon bago ako matulog. Yun namang alas-otso ng gabi. Paulit-ulit iyan.

“Ganoon yung routine every day, punung-puno ng balita. Ini-skip ko lang ang sarili ko sa balita kapag araw ng Linggo.”

GETTING TO KNOW THE HOSTS

Sa huli, ano ang dapat alam ng mga manonood tungkol sa kanilang tatlo?

Ayon kay Patricia, “Gusto ko lang na malaman ng viewers na dapat alam niyo na finally, ito ang pangarap ko, natupad din.

“Kaya nae-excite ako na magsimula sa October 18 at ipakita yung talagang dream ko at gagalingan ko, di ba?”

Sabi naman ni Emil, “Dapat alam ng mga kababayan at susuporta ng programang ito na malinis ang kalooban ng mga host. Walang pansariling interes.

“Ito ay for God and country.”

At si Kuya Kim, “Ako naman, dapat alam niyo na si Kuya Kim ay tao lamang. Ang image kasi ni Kuya Kim ay walking encyclopedia. Lahat ng itanong mo ay palaging tama.

“Dapat alam niyo na si Kuya Kim ay nagkakamali rin, but I do my best na magbigay ng tamang trivia at ng tamang kaalaman a lot of times.

“Pero dapat niyong malaman na tao rin ako, ha?” natawang sabi niya.

At saka idinugtong ni Kuya Kim ang naging interview niya dati kay Jessica Soho. “Tinanong ako ni Jessica, sa interview niya sa show niya noong isang araw. ‘Ilan ang paa ng BTS Army?’

“E, hindi ko naman alam kung ilan ang BTS. Ang nasabi ko yata ay apatnapu. Ang tamang sagot pala ay 77. Naku, issue iyon! Nagkakamali si Kuya Kim.

“Pero dapat alam niyo na tao rin ako at nagkakamali rin ako. Although I do my best to give as much as correct trivia whenever I am broadcasting.”

pmrsc.com

Be First to Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *