Kung si Dennis Trillo ay magiging si Ismael sa totoong buhay, kaya ba niyang magkaroon ng tatlong asawa?
Yun kasi ang character niya sa kanyang recent GMA-7 series niyang Legal Wives. Si Ismael ay isang Muslim at kasal siya sa tatlong asawa.
Napaisip ang drama actor saka niya sinabing, “Hindi ko alam, hindi ko alam kung makakayanan ko dahil mahirap!
“Ginagawa ko pa lang yung character ni Ismael, nahihirapan na ako, e, and hindi pa yun talagang totoong tao, pero ano pa kaya kung maranasan mo yun sa totoong buhay?”
Iniisip pa lang daw niya, na-i-stress na siya.
Sa pagpapatuloy ng 40-year-old star, “Parang nai-imagine ko lang, parang hindi ako magkakaroon ng peace of mind ‘tsaka parang ano siguro yun…
“Mahirap, hindi siya yung karaniwang ginagawa talaga, kailangan isang matatag na tao, mapagmahal, at may mahabang pasensiya yung klase ng tao na magkakaroon ng ganung klaseng sitwasyon.”
At dahil magwawakas na ang series, sino o ano ang mami-miss ni Dennis sa Legal Wives? Mami-miss ba niya ang tatlo niyang legal wives na sina Andrea Torres (bilang si Diane), Bianca Umali (bilang si Farrah), at Alice Dixson (bilang si Amirah)?
“Oo naman, siyempre mami-miss ko yun, yung tatlong asawa ko sa show dahil first time nangyari sa akin yun, e. Nagkaroon ako ng ganitong klaseng role, nagkaroon ako ng tatlong asawa na iba’t-ibang henerasyon, iba’t-ibang qualities and characters.
“Mami-miss ko yun dahil mahirap din yung paganahin yung chemistry sa kanilang tatlo, pero habang ginagawa namin parang naging natural na lang lahat.
“Kaya siguro… mami-miss ko yung samahan na yun dahil masaya kaming nagtrabaho, kaya siguro maganda rin yung output namin sa show.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dennis noong November 9, 2021, sa Zoom mediacon para sa finale ng Legal Wives sa Biyernes, November 12, sa GMA-7.
Hindi biro para kay Dennis Trillo ang gampanan ang karakter niyang si Ismael sa Legal Wives.
Aniya, “Napakarami hong mahihirap na eksena dun. Kasi ang role ko dito bilang Ismael, hindi lang siya yung pangkaraniwang character na, ‘Okay, gagawin ko ito,’ na kahit hindi ko pag-aralan yung script, kahit hindi ko i-check yung background nung character, kahit na hindi ko i-check yung relihiyon niya.
“Kaso lang itong character ni Ismael, ano siya, e, madetalye, marami kang kailangang alamin bago mo magawa yung eksena, marami kang kailangang pag-aralan.”
Isa ring challenge sa kanya yung language.
“…Isa sa pinakamahihirap na eksena dun yung mga eksena na merong mga Maranaw na salita dahil siyempre may mga salita na hindi kami sanay, at buti na lang nandiyan yung mga tagapagturo namin, yug mga tumutulong sa amin sa set para i-correct lahat yung mga kailangan naming gawin.”
Ano ang aral na natutunan niya sa journey niya sa Legal Wives?
“Siguro yung pinakaimportanteng lesson ay yung pagrespeto sa kultura, pagrespeto sa relihiyon, at lalung-lalo na, pinakaimportante, ang pagrespeto sa mga tao.
“Mapa-Maranaw man iyan, Islam man iyan o Kristiyano, yung respeto sa tao, iyon siguro yung pinakaimportanteng natutunan ko, dahil maraming mga tao na hindi nagagawa yung respeto dahil hindi nila nauunawaan yung mga bagay, hindi nila nakikilala yung mga tao, yung mga pinagdaanan nila.
“Pero dito sa show na ito siyempre pinag-aralan namin sila kaya nakilala namin at mas naintindihan, so siguro dun kami humanga sa kanila kaya yung respeto talaga.”
Kasabay ng Zoom mediacon ang grand welcome ng GMA Network sa bagong Kapuso na si John Lloyd Cruz.
Parehong kilalang mahuhusay na dramatic actor, ano ang masasabi ni Dennis sa paglipat ni John Lloyd sa bakuran ng GMA?
“Wow! Excited! Excited ako, natutuwa ako na nandito na siya, excited ako na balang araw, sana magkaroon kami ng project na magkasama. At welcome, John Lloyd,” sabay-saludo ni Dennis sa bagong Kapuso.
Never pang nagkasama sa isang proyekto sina Dennis at John Lloyd.
HOT STORIES
pmrsc.com
Be First to Comment