Press "Enter" to skip to content

Jace Flores, inirereklamo ng Singapore-based couple dahil sa Rolex watch

Lumantad ang isang mag-asawa na kaibigan ni Jace Flores matapos ilathala ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kagabi, October 16, ang report tungkol sa pagsasangla umano ni Jace ng Toyota Fortuner sa halagang kalahating milyong piso (P500,000) sa talent manager at movie producer na si Len Carrillo.

Pero lumitaw na carnapped ang sasakyan.

Walang nagawa si Carrillo kundi isoli ang Fortuner sa police authorities na nagsadya sa kanyang tahanan dahil nakaulat na nawawala ang sasakyan.

Hindi na rin mahagilap ni Carrillo si Jace dahil hindi na raw ito sumasagot sa mga tawag sa telepono kaya nagpasya siyang ipaalam sa publiko ang kanyang malungkot na karanasan, sa pamamagitan ng pagpapainterbyu sa PEP.ph, at para hindi na raw madagdagan ang mga magiging biktima.

Nang ibahagi ng PEP.ph sa Facebook ang artikulo tungkol kay Jace, isang Ryan Margarejo ang nagkomento rito.

Ayon kay Ryan, “matalik na kaibigan” ng asawa niya si Jace. Pinagkatiwalaan daw nila ang aktor at dating Survivor Philippines castaway “pero panloloko ang iginanti nya.”

Sabi pa nito, naghahanap sila ng koneksiyon upang makapaghain sila ng pormal na reklamo dahil “MARAMI po kami.”

Ayaw man nilang gawin ito, kawawa raw ang “iba na niloko nila” na mas kailangan ang pera at pinaghirapan ito.

Narito ang buong komento ni Ryan:

Ngayong Linggo, October 17, nakipag-ugnayan ang Cabinet Files kay Ryan upang linawin ang laman ng kanyang komento.

Singapore-based si Ryan at ang kanyang misis.

Ayon kay Ryan, nagmamay-ari silang mag-asawa ng isang luxury shop.

Bumili raw sa kanila si Jace at ang asawa nito ng dalawang Rolex watch na nagkakahalaga ng P355,000.

Nagtiwala raw ang misis ni Ryan dahil bukod sa kaibigan niya si Jace, nagbigay ito sa kanya ng post dated checks bilang kabayaran sa mga mamahaling relo.

“Kumuha po siya sa amin ng dalawang Rolex para sa kanilang mag-asawa.

“Nag-issue po sila ng mga bounced check. Paulit-ulit po silang nangangako na magbabayad ngunit walang natupad sa mga ipinangako nila.

“Nung hindi na siya makabayad, sinabi niyang na-carnap daw po ang Fortuner niya at nandoon sa loob ng sasakyan ang mga Rolex.

“We have all documents and proofs,” kuwento ni Ryan sa Cabinet Files tungkol sa kinahinatnan ng transaksyon nila kay Jace at sa asawa nito.

Hindi pa sinasagot ni Jace ang mabibigat na paratang sa kanya ng mga taong naghahabol sa kanya.

Pero ayon kay Ryan, nakipag-ugnayan si Jace sa misis niya upang makiusap ditong pahintuin na si Ryan sa mga social media post nito tungkol sa atraso ng aktor “as an old friend.” Hindi na raw kasi kinakaya ni Jace ang stress.

Nangako rin umano si Jace na maghuhulog na siya buwan-buwan at hindi raw ito magmimintis.

Hindi lamang ang Margarejo couple ang lumantad mula nang magsalita sa PEP.ph si Len Carrillo. Lumitaw rin ang mahigit sa sampung katao na naghahanap kay Jace at sa asawa nito para maningil.

Nagsanib-puwersa ang mga complainant, kabilang ang asawa ng aktor at TV host na si Kiko Rustia, dahil bumuo sila ng chat group at nagkaisang sama-sama silang magsasampa ng reklamo laban kay Jace.

Diumano, ginagamit din ni Jace ang kontrata niya sa GMA Network bilang patunay sa kanyang mga hinihiraman ng pera na may regular siyang trabaho kaya may kakayahang magbayad ng mga utang.

Samantala, nakipag-usap na si Carrillo sa kanyang legal counsel para sa kasong isasampa niya laban kay Jace.

Sinisikap pa rin ng Cabinet Files na makuha ang panig ni Jace, pero walang nakakaalam kung papaano magkakaroon ng komunikasyon sa kanya dahil blocked sa cell phone niya ang mga complainant.

Mananatili na bukas ang PEP.ph para sa paliwanag ni Jace tungkol sa mga akusasyon laban sa kanya.

HOT STORIES

pmrsc.com

Be First to Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *