Tinupad ni Jake Cuenca ang kanyang pangakong bibisitahin ang delivery rider na aksidenteng natamaan ng ligaw na bala sa police car chase na kinasangkutan ng aktor noong nakaraang buwan.
Matatandaang hindi huminto si Jake sa pagmamaneho ng kanyang SUV (sports utility vehicle) matapos umano nitong mabangga ang sasakyan ng operatiba ng pulisya na nagsagawa ng drug bust sa Mandaluyong City noong October 9, 2021.
Dahil sa hindi pagpara ng 33-year-old actor, pinaputukan ng mga pulis ang kanyang sasakyan upang huminto ito.
Dito tinamaan ng ligaw na bala ang delivery rider na si Eleazar Martinito.
Sa kanyang Instagram ngayong araw, November 7, nagbigay pugay si Jake sa pulisya na naging daan upang makilala niya si Martinito.
Nakasulat sa kanyang caption, “Masaya ako na nagkaroon ako ng pagkakataon na madalaw si eleazar martinito ang grab driver na nasaktan sa isang insidenteng hindi ko malilimutan.
“Taos pusong pasasalamat sa mga pulis na tumulong sa iyo at naging tulay para makilala kita.”
Nagpasalamat din si Jake sa Panginoon na ligtas ang delivery rider sa insidente.
Dagdag pa ng Kapamilya actor, “Labis ang aking pasasalamat sa Panginoong Diyos na nasa maayos kang kalagayan kasama ang iyong pamilya.
“Hangad ko ang iyong patuloy na kaligtasan at nawa’y makabalik agad sa iyong trabaho.
“Nandito lang ako para sa’yo Ely!”
Sa panayam ni Jake sa TV Patrol noong October 12, nangako siyang tutulong sa delivery rider kapag nangangailangan ito.
Aniya, kahit inako na ng pulis ang responsibilidad, nais pa rin niyang tumulong dito.
“I also want to extend my hand,” pangako pa niya.
Nahaharap si Jake sa reklamong reckless imprudence resulting in damage of property at disobedience to persons in authority na isinampa ng Mandaluyong Police kaugnay sa nasabing car chase.
HOT STORIES
pmrsc.com
Be First to Comment