Maaari raw patawarin ni Jayke Joson ang dating kaibigang si Senator Manny Pacquiao, pero kailangan pa rin daw harapin ng Pambansang Kamao ang batas.
May nakabinbing reklamong breach of contract si Pacquiao sa California state court na inihain ng Paradigm Sports.
Nag-ugat ito sa paglaban ni Manny sa ibang boksingero na labas sa napirmahan nitong kontrata sa Paradigm Sports.
Nakapagbigay na ng cash advance ang Paradigm Sports sa mambabatas sa halagang $2M, o lagpas sa P100M, para sana sa laban nito kay Conor McGregor sa Las Vegas, Nevada.
Pero hindi natuloy ang Pacquiao-McGregor match.
Sa isang panayam ni Jayke na lumabas kahapon, October 18, inakusahan niya si Pacquiao na tinakbuhan umano siya at si Arnold Vegafria ng halos P65M mula sa kanilang sariling bulsa.
Si Vegafria ang business manager ni Manny at tumatayo ring national director ng Miss World Philippines Organization.
Ayon kay Jayke, bukod sa P100M mula sa Paradigm Sports, nakalikom sila ni Arnold ng halos P65M at ibinigay nila ito sa kay Pacquiao.
Lahad niya, “Nakapag-raise po kami sa sarili naming pera na P65M. So, nakuha po niya P165M sa amin.
“P65M, sa amin dalawa ni Arnold, personal money. Nagkasanla-sanla po kami para lang itulong at ibigay kay Senator Pacquiao. And then, yung P100M, sa Paradigm.
“To cut the long story again, part 3, nabigay namin ang pera, nagkasanla-sanla po kami, nakuha niya yung pera ng Paradigm, tinakbuhan po kami.”
Dahil sa nangyari, nagkalamat ang pagkakaibigan nina Jayke at Pacquiao na halos labimpitong (17) taon ang itinagal.
“YOU HAVE TO FACE THE LAW”
Sa mas mahabang video na inilabas ng SMNI News sa kanilang YouTube channel kahapon, sinabi ng longtime ally ni Pacquiao na handa siyang patawarin ang dating kaibigan ngunit kailangan pa rin nitong harapin ang batas.
Pahayag ni Jayke, “Kaya hindi ko idinetalye yung nitty-gritty nung nangyari, it’s more on yung broad lang na nangyari, yung tinanong mo lang, di ba, kasi may kaso na po.
“Yung partner namin, yung nagbigay ng $2M in advance is nag-file na ng kaso sa kanya.
“Ongoing sa Amerika, anytime soon baka lumabas na yung desisyon. And I’m very, very, very sure, panalo po ang Paradigm, that’s another problem for Sen MP that we cannot control anymore.
“Kahit ba yakapin ako ni Manny, umiyak sa akin, mag-sorry sa akin, yes, yayakapin ko, patawarin ko siya.
“Mahal kita Sen MP, hindi kita pupuwedeng pabayaan, but you have to face the law, justice. Then, ‘yon yung papasok na kaso, yung Paradigm.
“Kasi you break the law, you have to face the law.”
Masakit daw para kay Jayke na nasira ang kanilang pagkakaibigan dahil lamang sa pera.
“With all my heart, masakit po na mawala na kay Sen MP dahil hindi po ako empleydao niya. Never po akong naging suwelduhan niya.
“Kaibigan po niya ako at kaibigan ko po siya. Wala pong partnership dun, walang monetary compensation dun, but just pure pagmamahal sa isang kaibigan.
“Yun po yung na-break. ‘Yon yung masasabi ko bang nasira dahil sa pansariling interes? So be it.”
Maaari man daw siyang magpatawad, pero hindi siya makakalimot.
Aniya, “E, di ba sabi nga nila, you can always forgive but you can never forget.
“Kidding aside, of course, boxing, as a boxer, wala na siyang kailangang patunayan pa.
“Kumbaga, ibinigay na ng Diyos lahat-lahat ang puwedeng ibigay sa isang boksingero kay Senator Manny Pacquiao, wala na.
“Kahit na kung sino pang god ng boxing, naibigay na lahat kay Senator Pacquiao yun.
“Kaya as a boxer, wala na siyang kailangang patunayan pa.
“So other than boxing, bakit niya pinapasok ‘tong pulitika, bakit niya pinapasok ‘tong ibang bagay, e, again, sa mga personal interes, di ba? Sa mga personal ambition.”
Si Pacquiao na lamang daw ang tanungin kung ano ang kanyang tinutukoy.
Tumatakbo si Pacquiao sa pagka-presidente sa 2022 elections.
“WORD OF HONOR”
Ayon pa kay Jayke, kahit sino ay walang karapatang mang-apak ng kapwa, kahit ito ay isang tanyag na boksingero at senador.
Ito raw ang dahilan kung bakit kumawala siya sa kuwadra ng dating matalik na kaibigan at kasangga.
Tanong pa ni Jayke: “Karapatan niya na gawin sa amin yun? Na porke’t Manny Pacquiao siya, kami Jayke Joson lang or Arnold Vegafria lang, at dapat lununin na lang namin kung ano yung gawin niya kahit hindi naman tama?
“So, kayo na po maghusga kung dapat ba akong manatili o dapat ba akong mawala?
“It’s just plain word of honor, walang perang involved. But yung word of honor itself, masakit po yun.
“Kung sa kaibigan niya nagawa yun, what more sa hindi niya kaibigan?”
Hanggang ngayon ay nananatiling tahimik ang kampo ni Pacquiao sa mga isiniwalat ni Jayke ukol sa kanilang nasirang samahan.
Hindi pa rin nagbibigay ng pahayag si Vegafria tungkol sa mga ibinunyag ni Jayke.
Mananatiling bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ni Senator Manny Pacquiao kaugnay ng isyung ito.
HOT STORIES
pmrsc.com
Be First to Comment