Ipagdiriwang ng noontime show na Lunch Out Loud (LOL) ang unang anibersaryo nito sa Oktubre 18-23, Lunes hanggang Sabado, sa TV5.
Parang kailan lang na sinasabing matitigbak na ang LOL, lalo pa’t nasibak ang kasabayan nitong Sunday Noontime Live (SNL) noong Enero 17, 2022.
Tinaningan ang LOL na hanggang Abril 2021 lang sa ere.
Nakaramdam ba si Bobet Vidanes ng takot na matitigok na rin ang LOL?
“Opo! Oo naman!” bulalas ni Direk Bobet nang makausap namin noong Oktubre 11, Lunes ng hapon sa studio ng LOL sa Kalayaan Avenue, Quezon City.
“Kahit naman sa ABS-CBN, ganun yung style, e. Pag alam mong mawawala… doble sipag! Dito, naramdaman ko yun.
“No, hindi ako papayag! Hindi ako papayag. Gagawin ko yung best para magawan ng paraan.
“Ano ba ‘yan?! Financially, creatively? Pag naibuhos ko yun at wala pa rin kaming nagawa, it’s OK. It’s OK.”
Si Direk Bobet ay labing-isang taon na nagdirek ng It’s Showtime sa ABS-CBN, bago lumipat sa Lunch Out Loud ng TV5 bilang creative director.
RUMORS ABOUT DIREK BOBET’S TRANSFER
Naintriga noong may mga dinala, binitbit o isinamang tao si Direk Bobet mula sa ABS-CBN nang mapasama siya sa Lunch Out Loud, kaya raw natanggal ang dating creative manager ng programa na si Robin Sison.
Sa naunang panayam ng PEP.ph kay Robin, sinabi nitong hindi ni-renew ang kontrata niya sa LOL dahil sa alegasyon ng harassment na inireklamo ng hindi pinangalanang female writers ng noontime show.
Mariin itong pinabulaanan ni Robin at iginiit na may kinalaman si Direk Bobet sa pagkakatanggal niya sa show.
“Wala akong dinalang tao, mag-isa lang po ako. Lahat po actually, lahat ng tao ko sa Showtime, naiwan silang lahat sa Showtime,” paglilinaw ni Direk Bobet.
“Sumasama sa akin, actually. NO, sabi ko! Kasi, hindi ko alam… kung anong adventure… ang gagawin ko at pupuntahan ko.
“So, ‘Diyan lang kayo, kasi, ayokong sisihin niyo ako ng pamilya niyo.’ So, iniwan ko po silang lahat.
“Nung pumasok po ako sa Lunch Out Loud, kumpleto sila… Meron pong ibang istorya yun, legalities,” patungkol ni Direk Bobet sa isyu ni Robin na nawala sa programa.
Ipinagdiinan ni Direk Bobet na wala siyang kinalaman sa kinahinatnan ni Robin.
“Ikaklaro ko lang po, iba ang kaso niya. It just so happened—ang masakit sa akin— creative man ako, e. Dinagdagan ng producer.
“As a producer, hawak ko yung tao, and it’s OK. It’s a management decision po yun.”
LAPITIN NG INTRIGA
Bakit kaya lapitin siya ng mga intriga? Napapagitna o nasasangkot siya sa iba’t ibang isyu.
“Ahhh… hindi ko rin po alam. Pero… hindi ko po tinanong ang sarili ko ever niyan,” pagngiti ni Direk Bobet na may bahid ng pait.
“Ahhm, meron ngang isang tao na nagsabi tungkol sa akin na, ‘Kilalang-kilalang-kilala ko ang tao na ito…. Alam ko ang buhay niyan, since bata ‘yan, saan nag-umpisa ‘yan.
“‘Kilala ko ‘yan. Alam ko kung saan nag-umpisa ‘yan. Kasama ko ‘yan. Kilalang-kilala ko ‘yan! Ganito ang ugali niyan!’
“Meron po siyang nabanggit dun, ‘Unang-una, nag-umpisa ‘yan as audio man ng ABS-CBN.’
“Ika-clarify ko lang po. Kahit tingnan niyo po ang aking history, never po akong naging audio man ng ABS-CBN.
“And then, everything will follow. Tingnan niyo na lang po ang mga pinagsasasabi against me. Huwag naman!
“Hindi naman po siguro ako lapitin [ng intriga]… habulin, pwede!”
Wala mang binanggit si Direk Bobet na pangalan, malinaw na ang tinutukoy niya ay ang beteranang showbiz columnist at radio host na si Cristy Fermin.
DID DIREK BOBET APPLY FOR LOL?
For the record, nag-apply ba siya sa Lunch Out Loud?
“Hindi po ako nag-apply. Napadaan lang po ako, nakita nila ako, ‘Wala ka na raw trabaho, gusto mo bang tumulong sa amin?’ Pwede!” salaysay ni Direk Bobet.
Ang nagtanong niyon kay Direk Bobet ay ang boss ng Brightlight Productions (producer ng LOL) na si dating Congressman Albee Benitez.
Nag-resign na si Direk Bobet sa It’s Showtime, bago siya inalok na maging bahagi ng Lunch Out Loud.
“Ang ABS-CBN po, papunta ng bahay ko. E, napadaan ako dito,” sabi ni Direk Bobet.
Napakagaan ng pakiramdam ni Direk Bobet Vidanes bilang creative producer ng Lunch Out Loud.
Maayos ang pakikipagtrabaho niya sa Tropang LOL na kinabibilangan nina Billy Crawford, Alex Gonzaga, Bayani Agbayani, K Brosas, Wacky Kiray, Ariel Rivera, KC Montero, Laboching, at Jeff Tam.
“Opo! Opo! Hindi kami ganung… ahhm, kasi, isa lang ang nasusunod, e. Yung direktor, e, si Direk Bjoy [Balagtas],” lahad ni Direk Bobet.
“So, may proper channeling. Bago ako gumalaw, ipinapaalam ko muna sa kanila nang tama—which is yung dati namin trabaho sa Showtime, dito, nasusunod po lahat.
“Magaan lang na magaan na magaan.”
Ano ang papel o ginagawa niya sa takbo ng programa?
“Ano po ako, enhancer lumalabas. Kung meron silang ginawang programa, segment, ikokonsulta sa akin, ine-enhance ko na lang po,” paliwanag ni Direk Bobet.
“Ako po ay creative producer sa Lunch Out Loud, ‘yan po ang ginawa nila sa akin.
“Kasi, sa creative, yung content, as a producer, yun pong mga tao, ina-under na rin sa akin. “Dahil maliit lang naman kami, so, kokonti lang yung nasa grupo, para yun po bang posisyon… ma-lessen. So, akin na rin lahat.
“As a creative, and as a producer… masasabi ko po, huwag lang HR!” saaad ni Direk Bobet.
“Hindi ako expert dun. Pero halimbawa, kung ang tao, e… in general, kung ang tao ay nagiging tardy, ako po yung kumo-call ng attention. “So far, wala pa naman.”
WHAT TO EXPECT FROM LOL
Pagkatapos ng isang taon ng Lunch Out Loud, ano ang mae-expect ng televiewers sa programa?
Napangiti muli si Direk Bobet, “Ang LOL po ay hindi tumitigil na magpasaya ng tao, na ipaalam sa kanila na may ganitong programa na gustong tumulong.
“Ahh, hindi lang magpasaya. Kasi talagang in our own little way, kahit barya-barya, tutulong kami sa Pilipino.
“So, yun po yung pagkakaiba. Hindi lang ito basta entertainment, we are trying to reach out. Kahit na ito’y maliit na bagay, to help people.
“Ang sabi ko nga noon is make people happy. Ito na talaga — to make people happy, and reach out. Tumulong. Yun po ang Lunch Out Loud. “So, kailangan ko lang pong turuan ang mga tao, na meron po kaming programang inihahain sa inyo, at sana po, makita at marinig nyo kami.”
Ayon kay Direk Bobet, so far ay maganda ang ratings ng Lunch Out Loud. Pangalawa ito sa Eat Bulaga sa hanay ng mga daily noontime show.
Hindi pa maidetalye ni Direk Bobet ang mga bagong pasabog ng Lunch Out Loud pagkatapos ng week-long celebration ng kanilang first anniversary.
“Basta, abangan niyo, meron po kaming mga nakareserba. Pero dasal ko na lang po sana… sana, magkaroon kami ng live audience,” pahayag ni Direk Bobet.
“Kasi po, doon talaga, on the spot. At sana, maibigay namin agad on the spot yung kasiyahan at kaligayahan.
“Yun po, marami po kaming baon, marami po kaming segment, na ang segment po na yan ay pagtulong.”
Masasabi bang “binabangga” ng LOL ang Eat Bulaga at It’s Showtime?
“Competition is competition, kahit anong mangyari. Pero… hindi ko po pinangarap na makipag-compete nang hindi patas,” sabi ni Direk Bobet.
“Kasi siyempre, nasa matatag silang istasyon, frequency… malawak, technical. Ahhm, siguro po, yung content ang aking ipinagmamalaki sa Lunch Out Loud, na totally different.
“Ahhm, by doing that, hindi po ako nakikipag-compete sa Eat Bulaga, sa Showtime. Ahhm, kami po ay dagdag lang to give a helping hand.
“Ahhm, siyempre, magkakaiba naman po ng ano ‘yan. Hindi po puwedeng ang kinakain mo ay pare-parehas. Titingin ka pa rin sa iba, sisilip ka pa rin.
“Kami po siguro ay tulong-tulong. Para lahat, may trabaho!”
HOT STORIES
pmrsc.com
Be First to Comment