Press "Enter" to skip to content

Nora, Alessandra, Angeli, John Lloyd: Dekada Awardees sa 44th Gawad Urian

GORGY RULA

Uumpisahan ni Vilma Santos ang ika-44 Gawad Urian bukas, Oktubre 21, Huwebes, at tatapusin ni Nora Aunor.

Ang Star for All Seasons ang mag-o-opening spiels, at ang Superstar ang presenter sa huling kategorya na best film.

Apat na artista ang pagkakalooban ng natatanging parangal ng mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP).

Namili ang mga Manunuri ng mga artista na sa kanilang pananaw ay naging bahagi sa mga pelikulang may naiambag sa industriya sa loob ng sampung taon, mula 2010 hanggang 2019.

Ang tatlong tatanggap ng Natatanging Aktres ng Dekada (2010-2019) ay sina Alessandra de Rossi, Angeli Bayani, at Nora.

Naging bahagi si Alessandra sa mga pelikulang Bambanti, Mater Dolorosa, Lucid, Kita Kita, Ka Oryang, at Santa Nina.

Si Angeli Bayani ay kasali sa mga pelikulang Norte Hangganan ng Kasaysayan, Buwaya, Bagahe, As One, at Ned’s Project.

Si Nora Aunor ay bida ng mga pelikulang Thy Womb, Taklub, Hinulid, Dementia, at Ang Kwento ni Mabuti.

Si John Lloyd Cruz ang nag-iisang aktor na gagawaran ng Natatanging Aktor ng Dekada (2010-2019). Lead actor si Lloydie sa mga pelikulang Honor Thy Father, Second Chance, at Ang Babaeng Humayo.

May labing-isang pelikula ring gagawaran ng Natatanging Pelikula ng Dekada (2010-2019)—with Coco Martin as presenter.

Ang mga ito ay Ang Damgo ni Eleuteria, Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa, Ang Paglalakbay ng mga Bituin sa Gabing Madilim, at Norte Hangganan ng Kasaysayan.

Pasok din ang Women of the Weeping River, Baboy Halas, Tu Pug Imatuy, Respeto, Balangiga, Buy Bust, at Babae at Baril.

Past winners ang presenters sa iba’t ibang kategorya, kabilang sina Tonton Gutierrez, Glydel Mercado, at Gladys Reyes.

Kasama rin sina Epy Quizon, Ketchup Eusebio, Sid Lucero, Rafael Rosell, Maja Salvador, Yayo Aguila, Janine Gutierrez, at Elijah Canlas.

Mapapanood ang kanilang virtual awarding bukas ng 8:00 p.m. sa UPTV, at sa YouTube channel at Facebook page ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino.

NOEL FERRER

Talagang weekday gagawin ang 44th Gawad Urian. Sayang at pandemya pa habang isinasagawa ang kanilang Dekada Awards.

Tuloy, parang naging mas kapana-panabik ang Dekada Awardees than the past year’s crop.

Pero ang inaabangan ko ay ang pag-figure out ng documentaries sa major categories. Masaya ako kapag magwawagi ang docu tulad ng Aswang na talaga namang naiiba sa kanyang aesthetics at pagiging matapang.

Aabangan ko rin ang tribute ng mga Manunuri kay Tatay Bien Lumbera na isa sa kanilang founding members.

Basta, lagi nating susuportahan ang Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino.

JERRY OLEA

Noon pa man ay namamayagpag ang mga pelikulang indie sa Gawad Urian.

Ipinapaliwanag ng mga Manunuri sa kani-kanyang review o critique ang kanilang choices.

Hindi ibinebenta o nabibili ang parangal ng mga Manunuri, kaya lubos ang respeto sa kanila sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Pito ang nominadong BEST FILM—Aswang, Hayop Ka! The Nimfa Dimaano Story, Kintsugi, Lahi, Hayop, Midnight in a Perfect World, A Thousand Cuts, at Watch List.

Kabugan bilang BEST ACTRESS sina Jasmine Curtis (Alter Me), Glaiza de Castro (Midnight in a Perfect World), Alessandra de Rossi (Watch List), Charlie Dizon (Fan Girl), Shaina Magdayao (Tagpuan), Bela Padilla (On Vodka, Beers, and Regrets), Lovi Poe (Malaya), Sue Ramirez (Finding Agnes), at Cristine Reyes (Untrue).

Magwagi na kaya ang Dekada Awardee na si Alessandra bilang best actress sa Gawad Urian? Isa pa lang ang tropeyo ni Alessandra sa Urian bilang best supporting actress para sa pelikulang Sta. Niña sa 36th Gawad Urian.

Na-nominate si Alessandra na best actress sa Urian para sa mga pelikulang Azucena, Mga Munting Tinig, Ka Oryang, Baybayin, Bambati, Kita Kita, at Lucid, pero lagi siyang kasama sa Lotlot & Friends.

At any rate, tagisan sa kategoryang BEST ACTOR sina Elijah Canlas (He Who is Without Sin), Enchong Dee (Alter Me), Noel Escondo (Memories of Forgetting), Keann Johnson (The Boy Foretold by the Stars), Nanding Josef (Lahi, Hayop), Adrian Lindayag (The Boy Foretold by the Stars), Zanjoe Marudo (Malaya), at JC Santos (On Vodka, Beers, and Regrets).

Patalbugan bilang BEST SUPPORTING ACTRESS sina Sandy Andolong (Finding Agnes), Lolita Carbon (Lahi, Hayop), Dexter Doria (Memories of Forgetting), Hazel Orencio (Lahi, Hayop), at Bing Pimentel (Midnight in a Perfect World).

Magkakalaban sa kategoryang BEST SUPPORTING ACTOR sina Micko Laurente (Watch List), Jake Macapagal (Watch List), Jess Mendoza (Watch List), Dino Pastrano (Midnight in a Perfect World), at Enzo Pineda (He Who is Without Sin).

Sa unang pagkakataon ay meron nang kategoryang best animated film sa Gawad Urian. Isa lang ang nominado, ang Hayop Ka!

HOT STORIES

pmrsc.com

Be First to Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *