Press "Enter" to skip to content

PBA living legend Robert Jaworski, tampok sa PhilPost 75th anniversary stamp

Ang Philippine Basketball Association legend na si Robert “Big J” Jaworksi ang kauna-unahang PBA player na maitatampok sa selyo ng Philippine Postal Corporation.

Ilulunsad ng PhilPost ang selyo ng 75 years old na si Jaworksi kasabay ng ika-75 anibersaryo ng kauna-unahang selyo sa Pilipinas na gaganapin sa October 16, 2021.

Ang limited-edition Jaworski stamps ay bilang pagkilala sa husay ng basketball legend at sa kanyang “never say die” spirit bilang playing coach ng Barangay Ginebra.

Nagpasalamat naman ang anak ni Jaworksi na si Dodot sa Philpost.

Ani Dodot, “Napakalaking karangalan po para sa aking ama na mapili ng Philippine Post Office na makasama sa mga bibigyan ng pagpugay sa paglabas ng mga special stamp na ito,”

Dagdag pa niya, “This great honor is testament to all the years my dad has devoted to his love of the game of basketball, his impact on sports in our country, and the appreciation of the fans who have joined him in his life’s journey.”

Ayon pa kay Dodot, siya ang dadalo sa paglulunsad ng stamp ng kanyang ama sa October 16.

MAKULAY NA BASKETBALL CAREER

Ang tinaguriang PBA living legend na si Robert Vincent Salazar Jaworski Sr. ay ipinanganak noong March 8, 1946 sa Maynila.

Naglaro siya sa PBA sa loob ng 23 seasons, at itinuturing na isa sa most popular PBA players of all-time.

Nahirang siya bilang most valuable player ng liga noong 1978.

Pinarangalan siya bilang isa sa PBA’s 40 Greatest Players at iniluklok sa PBA Hall of Fame noong 2005.

Una siyang nakilala sa basketball nang maglaro sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) bilang miyembro ng University of the East Red Warriors, kung saan nag-back-to-back champion ang kanyang kopononan noong 1965 at 1966 UAAP seasons.

Kabilang din si Jaworksi sa amateur selection ng Pilipinas na lumahok sa 1966 Bangkok Asian Games.

Pinangunahan naman niya ang team ng Pilipinas na nagkampeon sa Asian Basketball Championship (FIBA Asia Cup na ngayon) sa Seoul, South Korea noong 1967 kung saan tinalo nila ang host country.

50 YEARS OLD NANG MAGRETIRO SA PBA

Taong 1975, pumasok siya sa PBA bilang miyembro ng Totoya. Tumagal siya sa team hanggang noong 1983, at naging bahagi ng kanilang siyam na kampeonato.

Sa nasabing taon din siya lumipat sa Gilbey’s Gin (na naging Ginebra San Miguel).

Naging playing coach siya ng team noong 1986—at agad nagkampeon sa Open Conference. Forty years old na siya noon.

Nakasungkit ang Ginebra ng apat na kampeonato, at sa ilalim din ni Jaworski bilang coach.

Dahil sa kanyang never-say-die attitude lalo na sa mga crucial na bahagi ng laro, minahal ng fans ang Ginebra, na naging pinakasikat na team sa PBA.

Huli siyang naglaro sa PBA noong March 1997 sa edad na 50.

Lumahok naman siya noong May 30, 2003, 23 sa Crispa-Toyota reunion game sa Araneta Coliseum kasama ang mga dating kapwa players ng dalawang team.

PROTEKTOR NG ENVIRONMENT BILANG MAMBABATAS

Taong 1998 nang iwan niya ang PBA nang tumakbo at mahalal bilang senador.

Bilang senador, nagpokus si Jaworksi sa pagpapasa ng mga batas tungkol sa environment and sports.

Naging chairman siya ng Economic Affairs, Trade, and Commerce Committee, at naging member ng Games and Amusement and Sports Committee.

Kabilang sa mga batas na naipasa nito ay ang pagdedeklara sa ilang kabundukan sa ating bansa bilang protected areas.

Co-author din siya ng Clean Air Act and the Solid Waste Management Act.

KUMUSTA NA SI BIG J NGAYON?

Sa panayam ni Anthony Taberna sa anak ni Jaworski na si Dodot noong October 11, sinabi nito na may sakit ang PBA legend.

Pagbabahagi ni Dodot, “Last year medyo may mga health issues yung dad ko.

“Unfortunately, hindi pa rin siya nakaka-recover nang 100 percent up to now.

“Meron siyang blood disease, e. It’s a problem na elevated yung kanyang iron. Very high iron levels, And at the same time, anemic siya.

“For the past so many years we’ve been trying to look for doctors here and abroad, but none of them can understand kung ano yung nangyayari sa kanya.”

Ang tingin ni Dodot ay may kinalaman ang sakit ng ama sa matagal nitong paglalaro ng basketball.

“And siguro dahil din sa, siguro sabihin na lang nating over, long exposure niya sa physical strain sa hard court.

“Siyempre lumalabas yung sakit ng tuhod, sakit ng likod… Kasi he retired sa PBA at the age of 52.

“It could be na yung high iron levels niya, one of the reasons why, kasi parang naging super athlete siya compared to the others.

“It could be the reason why bigla siyang humina, sobra.”

May mga araw aniya na in high spirit si Jaworksi, minsan ay tahimik lang.

Ani Dodot, “He’s okay naman. But he’s not 100 percent when it comes to his physical strength. So, inaalagaan siya sa bahay niya sa Corinthian.”

Umaasa ang pamilya nito na sooner ay babalik na ang sigla at lakas ng basketball legend.

Humihingi rin sila ng panalangin sa mga fans at supporters ni Big J na makahanap na ng paraan para malaman ang cause ng kanyang blood disorder.

Pahayag ni Dodot, “Sa lahat nang kanyang mga fans, sabihin na nating kapamilya natin, part of the family ng Jaworski family, we thank you sa inyong well wishes, nagpapasalamat kami sa inyong lahat.

“Pero kailangan po ng dagdag pa ng inyong dasal para tuluyan na siyang gumaling.

“Ang sabi nga ng tatay ko, kung wala kayo, wala kami.

“At ako ngayon ay magpapasalamat nang buong puso, at the same time, tulungan niyo po kami sana… tulungang ipagdasal na gumaling si Papa.”

HOT STORIES

pmrsc.com

Be First to Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *