Nagtapos si Jovy Bernardo bilang cum laude sa kursong Bachelor of Science in Marine Engineering sa Philippine Merchant Marine Academy (PMMA), kung saan bahagi siya ng “Sinaglakan” Class of 2021.
Naganap ang kanilang pagtatapos noong July 28, 2021.
Tumanggap din siya ng Presidential Saber Award, Flag Officer-In-Command Saber Award, at Discipline Award.
Ang PMMA ay isang merchant marine academy na matatagpuan sa San Narciso, Zambales, at isa sa mga military academy sa Pilipinas. Pinamamahalaan ito ng gobyerno.
Ang unang pangarap ni Jovy ay maging isang guro at magturo sa mga bata sa kanilang lugar sa Bulo, Tabuk City, Kalinga.
Sa artikulong lumabas sa Guru Press Cordillera noong August 3, 2021, sinabi niyang noong 2016, nagpapracticum na siya para sa kursong BS Elementary Education sa Kalinga State University nang marinig niya ang tungkol sa PMMA entrance.
Niyaya siya ng kanyang batchmate na kumuha ng entrance exam sa academy. Walk-in applicants lang sila.
Hindi niya inakala na papasa siya.
IPINANGUTANG NG PARENTS ANG PAG-AARAL NIYA SA PMMA
April 2016 nang maka-graduate si Jovy sa KSU. Pumasok naman siya sa PMMA pagsapit ng July bilang probationary cadet.
Parehong magsasaka ang parents ni Jovy, at hirap na hirap sila noon para sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Gayunpaman, sinuportahan ng mga ito ang kanyang plano, at para lang mapapasok siya sa PMMA ay nangutang ang mga ito sa lending company.
Pagbabahagi niya, “Yung sa financial po kasi malaki yung babayaran at gastos bago po makapasok. Naghirap din silang makahanap ng pera. Andoon na rin yung nag-interest [nag-loan] pa sila kasi walang-wala na po kaming pera.”
NAHIRAPAN SA BUHAY-MILITAR
Sa loob ng PMMA, nahirapan si Jovy sa pag-a-adjust mula sa buhay sibilyan patungo sa mala-military na pang-araw-araw na aktibidad.
Aminado siyang may mga pagkakataon na hindi niya kinakaya ang training, at gusto nang sumuko ng kanyang isip at katawan.
Kuwento niya, “Sa loob po, mahirap yung from civilian ka then papasok ka sa hindi mo nakasanayang routine.
“Yun din po ang isang mahirap dun kasi you need to cope with quasi-military training. Halos wala ka nang tulog at pagod na pagod pa ang katawan mo.”
NAGING INSPIRASYON ANG SAKRIPISYO NG PARENTS
Sa mga panahong gusto na ni Jovy na mag-quit, nabubuo muli ang kanyang determinasyon kapag naiisip niya ang sakripisyong ginagawa ng kanyang parents para lang makapasok siya sa PMMA.
“Ginawa ko lang is, pinagsabay ko ang pag-aaral at training. Nag-aaral ako kung may free time pa, iniisip ko lang noon na one at a time matatapos ko ito.”
Wala rin siyang sinasayang na oras, at basta may pagkakataon ay nire-review niya ang kanyang mga notes.
Miyembro si Jovy ngayon ng Philippine Navy.
Payo niya sa mga mahihirap na kabataan na gustong makatapos ng pag-aaral: “Look into the future and never to the hardships during the process of striving towards your dreams. It will all be worth it.”
HOT STORIES
pmrsc.com
Be First to Comment